Friday, August 24, 2012

Lolo at Lola sa Laguna


Last Saturday, August 18, 2012, pumunta ako ng Laguna para dalawin si Lolo at Lola ganun din ang mga high school friends ko.


Sobrang excited akong bumaba ng tricycle dahil matagal ko talagang di nakita sina Lolo. Di sila nakapunta ng New Year 2012 kase mahina na daw si Lola. Ilang beses akong nagsabi na dadalaw ako, kaso laging kulang sa budget.


Biglaan ang punta ko kase bigla lang nagkapera. Nung pumasok ako sa gate na kahoy, nakita ko si Lolo nag wawalis. Grabe ang saya sa puso ko, sobrang miss ko talaga sila. Nakita ko si Lola sa tumba tumba nya, nakatingin sakin pero walang reaksyon.



Kiniss ko sya pisngi gaya ng nakagawian namin, sobrang payat nya at di ko mapigilang hindi umiyak. Bumabalik yung nakaraan na napakalakas pa nya, inaasikaso ang tindahan sa looban. Kapag nagkikinis na sya ng sanga ng gumamela kapag papaluin na nya kaming magpipinsan at walang awa (joke lang) na nilalanggas ang mga sugat namin ng ate ko.


Matagal ko syang tinitigan... at tulo lang ng tulo ang mga luha ko. Matanda na si Lola, walang duda. Kaya pala di na sila nakapunta nung bagong taon.


Sabi ko sa kanya, "La, kumusta na?" Sabi naman nya, "Ay sino ka ba?"


Hahaha! Di naman ako nasaktan. Kase kahit naman dating dumadalaw sya sa amin napapagkamalan nya na ako si nanay. Nakakalakad pa naman sya, pero konting hakbang na lang kase madali na sya mapagod.


Pumunta ako ng kusina kase di ko makita si Lolo, andun lang pala. Nagpapahid ng luha. Sabi ko, "Namiss kita, Lo". Niyakap nya ako at umiyak na kaming dalawa. Matagal kaming nagyakap. "Matagal ka na naming hinihintay", sabi nya sakin. Alam kong marami akong pangako na dadalaw na hindi natuloy, puro padala lang ng pang gastos.


Halos madurog ang puso ko sa katayuan nina Lolo at Lola. Alam ko na di naman sila sasama samin sa Tagaytay, dahil nasa Laguna ang buhay nila. Yung isipin mo na araw araw nag ba bike si Lolo papunta ng Masaya para lang kumuha ng kapirangot na ulam. Pagod na ang matanda, maari pang maaksidente. Bukod pa sa awa na nakukuha nya dun.


Nagluto kami ni Neneng ng sinigang. Habang kumakain, naisip ko, kelan kaya sila huling nakatikim ng masarap na pagkain? Kumirot na naman ang puso ko.


Siesta time, tulog ako sa kama sa labas habang nasa tumba tumba si Lola. Di daw sya inaantok. Nakatulog na ko, ang sarap kase ng hanging. Maya maya may kumalbit, si Lola. Tutulog din daw sya. Lumakad sya ng konti papunta sa kama at tumabi sakin, tulog kami. Maya't maya ang tapik nya sakin kaya nagigising ako, hehe.


Habang nakahiga, nakatingin ako sa likod ni Lola. Alam ko na balat na lang ang nakabalot sa mga buto nya sa kapayatan. Maya't maya ang ubo nya. Dinig ko din ang paghinga. Sumambit ako ng maigsing panalangin... "Lord, sana dagdagan mo pa ng ilang taon ang buhay ni Lolo at Lola dahil gusto ko pa silang makasama at maipadama na mahal ko sila."


Sana makayanan ko silang suportahan, kahit sa maliit na halaga lang. Sana bago sila kuhanin ni Lord, maranasan nila ang buhay na hindi namumrublema kung san kukuha ng makakakain.


Mahal na mahal ko ang Lolo at Lola ko dahil alam kong mahal din nila ako, kahit nakalimutan na yun ng Lola ko...hehe.

Thursday, August 9, 2012





Parang Ondoy… naalala ko na naman ang nakaraan. 
Pangalawang beses makita ng mga mata ko ang mataas na baha. Wala ako magawa kundi ang manalangin, ang humingi ng awa sa Panginoon na pawiin na ang ulan. Nananalangin na bigyan ng habag dahil marami ng bahay ang lubog sa baha, maraming pamilya ang nawalan ng tahanan at nabuwis ang buhay. 
Sa ganitong pagkakataon, panalangin ang ating tangin sandata. Pwera na lang kung kaya mong sipsipin ang baha sa buong Pilipinas, ikaw na. Hindi ko maintindihan kung bakit may mga taong nagiging negatibo pa sa ganitong pagkakataon. Bakit kailangan pang magkondena ng iba na kahit sa kaunting panalangin ay nais makatulong. 
Nasubukan mo na bang lumubog ang bahay mo sa baha at anurin ang lahat ng iyong ipinundar? Ako hindi pa, pero noong bagyong Ondoy, dama ko ang hinagpis ng mga katrabaho ko na nalimas ang bahay. Sana kahit sa balita, Facebook o Twitter man lang, maramdaman mo ang sakit na nararamdaman nila at piliin mong manalangin kesa maging negatibo. 
Wala pang bagyo nyan pero lubog na ang maraming lugar sa Cavite, Pampanga, Manila, Bulacan, Valenzuela, Laguna at marami pang lugar. Marami na rin ang nasawi, bata man o matanda. Nakakalungkot naman talaga. 
Mapapatanong ka, Lord, bakit kailangan mangyari to? Bakit pinahintulutan mo ang ganitong kalamidad? Hindi ko rin alam ang sagot, tanong ko din yan kay Lord eh. Ngayon lang ibinabalita sa TV na 7 sa pamilya Baylon ang namatay sa landslide. Paano mo tatanggapin ang ganitong balita kung ang buong pamilya mo ay sasabihing patay na pag uwi mo? Napakasakit diba? Napapatanong ka talaga at di maiiwasang magalit ka pa sa Kanya. 
Hindi ko pedeng sabihing okay lang yun at pagsubok lang ang lahat. May dahilan para tayo ay magalit sa ganitong pagkakataon. May dahilan para maghinagpis. Sa librong nabasa ko ni James Dobson na When God Doesn’t Make Sense marami syang puntos na sinabi. 
Sa dami ng chapter ng libro, ito ang mga bagay na natutunan ko. Hindi kailangang ipaliwanag ni Lord ang dahilan ng kanyang mga gawa. Maraming bagay talaga tayong di mauunawaan dahil Diyos siya, ipaliwanag man nya ay di pa din natin mauunawaan. At higit sa lahat, ang Panginoon ay palaging may dahilan kung bakit nya pinapahintulutan mangyari ang mga bagay di man natin ito mauunawaan.
Di pa man nangyayari sakin ang ganitong kasaklap na bagay, ang panalangin ko… bigyan nya ko ng kalakasan at manatiling nagtitiwala sa Kanya kapag ako ay hirap na. 

Friday, August 3, 2012

Lipat Site



Last day sa Teletech Bacoor kahapon... wala ako mafeel. Di ko alam kung malulungkot ako dahil almost two years ako sa site na yun. Maeexcite kase new environment and new people to meet. Maiinis kase kung kelan uwian na ko sa Tagaytay tsaka pa kami nalipat ng MOA. 


First batch pa kami ng transfer, pede naman last trip na lang. 5am ang pasok, may pre shift OT pa. Dagdag 1 hour na byahe, dagdag traffic din at pamasahe. Wala naman talagang benefit ang palipat sa Roxas, but I get to keep my job. Wag na lang magreklamo. 


Last blog ko ay before ako pumunta ng Palawan. Super ganda, di sapat ang salita to express kung gaano ako nag enjoy at namangha sa mga nakita ko. Napakalupet talaga ng Creator.


Stagnant na naman ako...nakakainis.